MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang agawan sa puwesto ang isa sa motibo kaya tinambangan at napatay ang isang opisyal ng lokal na sangay ng Land Transportation Office at kapatid nito ng mga di-pa kilalang kalalakihan sa panibagong karahasang naganap kahapon ng umaga sa highway ng bayan ng Tubod, Lanao del Norte.
Kinilala ni P/Senior Supt. Bernardo Reamon, kumander ng task force, ang magkapatid na sina Alejandro “Ali” Datumanong, deputy director ng Land Transportation Office sa Iligan City at Akrab Datumanong.
Nabatid na si Ali ay sinasabing isa sa dalawang aplikante sa pagka-hepe ng LTO sa Iligan City subalit iba ang napipisil na maging director ng LTO Region 10.
Sinasabing umapela pa sa tanggapan ni Lomibao si Ali na siya ang dapat na mailagay sa posisyon bilang hepe ng LTO ng Iligan City dahil siya ang kuwalipikado sa posisyon bilang Traffic Regulation Officer 2 sa nabanggit na ahensya.
Gayon pa man, walang sinuman sa dalawang aplikante sa posisyon ang nailagay na hepe ng LTO kundi si Monching Mangudato na sinasabing may koneksyon sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Sa phone interview, sinabi ni Reamon na naganap ang pananambang sa kahabaan ng highway ng Alcuizar Avenue, Baraas, bandang alas-8:15 ng umaga.
Napag-alamang patungo na sana sa opisina ang mag-utol na lulan ng Isuzu Crosswind nang dikitan at pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen.
Sa nasabing pag-atake ay nadamay ang kapatid ni Ali na si Akrab na tumatayong drayber ng sasakyan.
Naisugod pa sa Dr. Uy Hospital pero namatay din habang ginagamot.
Nakipag-ugnayan na rin si LTO chief Arturo Lumibao sa PNP at sa NBI Iligan City para mabilis na mabigyang linaw ang naganap na pamamaslang kay Datumanong.