CAMP VICENTE LIM, Laguna – Kamatayan ang sumalubong sa mag-asawa at anak nilang babae na sinasabing dadalaw sana sa puntod ng kanilang mahal sa buhay makaraang salpukin ng pampasaherong jeepney ang traysikel kamakalawa ng gabi sa Barangay Lewin sa bayan ng Lumban, Laguna.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, ang tatlong nasawi ay ang mag-asawang Lyor Fulo, Myra at ang anim na taong gulang na anak na si Kyle na pawang nakatira sa Monserrat Village, Barangay Sto. Angel sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna.
Sugatan naman sina Carliza Rebenque, 14; Fraulin Miguel, 22; Cecil Rebenque, 10; Ivan Fulo, 3; at si Juan Fulo na naisugod sa Paete General Hospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng traysikel ang mga biktimang patungong sementeryo nang sumabog ang gulong bandang alas-11:30 ng gabi.
Napag-alamang itinutulak na ng mga biktima ang traysikel patungo sa pinakamalapit na vulcanizing shop nang araruhin sa likod ng pampasaherong jeepney (DXH-143) ni Adrian Magana.
Tumakas si Magana matapos ang aksidente pero sumuko rin kay Atty. Magi Magana at Mayor Wilfredo Paraiso makalipas ng ilang oras. Arnell Ozaeta