17-katao natusta sa sunog
BACOLOD CITY , Philippines – Aabot sa 17-katao kabilang na ang walong bata ang kumpirmadong nasawi makaraang lamunin ng apoy ang 58 kabahayan sa Barangay 19, Bacolod City kamakalawa ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Celestino Guara, hepe ng pulisya sa Bacolod City, lumilitaw na may naiwang nakasinding kandilang natumba kung saan pinagmulan ng apoy kaya naabo ang magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.
Umabot sa dalawang oras bago maapula ang sunog na nagsimula bandang alauna ng madaling-araw kung saan nag-iwan ng 1,000 sibilyan na walang tahanan.
Narekober naman sa fire scene ang mga bangkay kung saan halos ‘di na makilala ng kanilang mga kamag-anakan.
Karamihan sa mga nasunog na biktima ay nagmula sa limang pamilya na-trap sa ikalawang palapag na boarding house na pag-aari ni Morita Depacaquibo kung saan sinasabing pinagmulan ng apoy.
Ayon kay Guara, nahirapang maapula ang apoy ng mga fire volunteer at BFP personnel dahil sa kakiputan ng daan papasok sa may kalahating ektaryang residential area.
Nasa mga evacuation center ang naapektuhang pamilya kung saan inasistihan naman ng health and social welfare development personnel ng local na pamahalaan ng Bacolod City, ayon kay Mayor Evelio Leonardia. Kasalukuyang inaalam ang halaga ng napinsala ng sunog.
- Latest
- Trending