BATANGAS CITY , Philippines – Nawawala pa rin ang isang 40-anyos na seaman at ang kanyang 3-anyos na anak matapos tangayin ng malakas na agos ng ilog nang mahulog ang kanilang kotse sa nawasak na tulay sa Batangas City, Batangas habang nanalasa ang bagyong Santi kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang mag-amang sina Romulo Soriano, isang overseas contract worker (seaman) at ang anak nitong si Nicolo na kapwa nakatira sa Barangay Sampaga, Batangas City.
Gayon pa man, nailigtas naman ang asawa ni Romulo na si Malou, 39, kawani ng Batangas Health Office at kasalukuyang nagpapagaling sa St. Patrick Hospital dahil sa tinamong mga galos.
Napag-alamang papauwi na ang pamilya Soriano lulan ng Honda Civic (MLR-888) at tumatawid sa Bridge of Promise sa pagitan ng Barangay Kumintang Ibaba at Barangay Gulod Labac nang bumigay ang sementadong tulay bandang alas-7:30 ng umaga.
Tuluy-tuloy nang nahulog ang pamilya Soriano sa rumaragasang tubig ng Kalumpang River kung saang nagawang makalabas ng kotse si Malou at nagpaagos na lang sa malakas na agos ng tubig sa ilog.
Ilang oras pa, natagpuan namang palutang lutang si Malou sa may Barangay Malitam habang nakakapit sa kapirasong kahoy at masagip naman ni Tarasani Baltapa.
Mabilis namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga elemento ng Batangas Coast Guard sa pangunguna ni Lt. Commander Troy Cornelio, para masagip ang mag-amang Soriano.
Samantala, umabot na sa 685-katao ang na-stranded sa Batangas Port, 720 naman sa Calapan Port; at 90 pasahero naman sa Roxas Port. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat