MANILA, Philippines - Ayon sa isang desisyon kamakailan ng Commission on Election, hindi nahalal sa puwesto ang alkalde ng Sapa-Sapa, Tawi-Tawi na si Al-Saggab Mohammad Ali.
Idineklara ng Comelec first division na si Ali ang natalo sa halalan noong 2007 habang ang katunggali niyang si Putli Aisa Matolo ang talagang nanalo at nahalal na alkalde sa naturang bayan.
Sinabi ng abogado ni Matolo na si Quirino Esguerra Jr. na, sa simula pa lang, ang kliyente niya ang nanalo sa bilangan ng boto pero nadeklara itong natalo kaya nagsampa siya ng protesta sa mababang korte at sa Comelec.
Sinabi ng Comelec na nagkamali ang mababang korte sa hindi pagbibigay-halaga sa mga boto ni Matolo. Nabatid na 2,319 ang botong nakuha ni Matolo samantalang 1,903 lang si Ali.