Pangmatrikula nawala; estudyante nagbigti
CAVITE, Philippines – Isang estudyante sa Barangay F. de Castro, General Mariano Alvarez sa lalawigang ito ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili makaraang mapagalitan ng kanyang lola dahil naiwala niya ang perang pangmatrikula niya sa eskuwelahan kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay nakilalang si Vixsen Uro, 17-anyos, residente ng Block 13, Lot 9, Caza Monteverde ng nabanggit na barangay.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Ronald Manaig, may hawak ng kaso, dakong alas-3:30 ng hapon ng hanapin ni Gng. Victoria Malasarte, lola ng biktima, ang kanyang apo.
Pagpasok ni Malasarte sa kuwarto ni Uro ay laking gulat na lamang niya nang makita ang biktima na nakabigti sa kawad ng kuryente at nakatali sa kisame ng kuwarto.
Agad na humingi ng saklolo ang matanda sa kanyang kapitbahay at ibinaba ang biktima bago dinala sa Medicare Hospital subalit idineklara na itong dead-on-arrival.
Nabatid sa pulisya na, bago naganap ang pagpapakamatay ng biktima, nakagalitan ito ng kanyang lola dahil nawala umano ang pangbayad nito sa kanyang matrikula. Hindi naman akalain ng lola na gagawin ng kanyang apo ang magbigti.
Dinala sa Heaven Funeral Homes ang bangkay ng biktima upang sumailalim sa awtopsiya at iniimbestigahan pa ng pulisya kung may foul play na naganap.
- Latest
- Trending