5-anyos pinatay sa gulpi

BULACAN , Philippines  — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 5-anyos na lalaki ma­karaang gulpihin ng kan­yang mga magulang kama­kalawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bun­suran 2nd sa bayan ng Pandi, Bulacan.

Pormal na kinasuhan ni P/Senior Insp.Isagani Enri­quez, ang mga suspek na sina Analie Cabuhat, 37; at si Virgilio Marcelo, 40, tubong Victoria,Tarlac.

Samantala, hindi na na­isugod sa ospital ang ba­tang si Andrie Cabuhat na natagpuan ng mga awtori­dad sa loob ng bahay ng mag-asawa sa nabanggit na barangay.

Napag-alamang humi­ngi ng tulong sa pulisya ang dalawang kapitbahay nina Cabuhat at Marcelo kaugnay sa misteryosong pagkamatay ng bata.

Lumilitaw sa imbesti­gasyon ng pulisya na ang bata ay basag ang bao ng ulo, may palatandaan pi­naso ng kandila at sigarilyo sa iba’t ibang bahagi ng katawan maging ang mga buto sa kamay at balikat ay nakausli na pinanini­wa­laang nabale.

Sa resulta ng awtopsiya ng medico-legal officer, lumilitaw na inihampas sa matigas na bagay ang bata kaya nabasag ang bao ng ulo bukod pa sa palatan­daan pinahirapan ang bata.

Nabatid din sa salaysay ng ilang kapitbahay, na minamaltrato ang bata ng kanyang ama-amahang si Marcelo sa tuwing ito ay darating sa bahay na lango sa alak.

Maging ang ina na si Cabuhat na sinasabing aburido sa buhay ay pinag­babalingan ang kanyang anak sa hindi nabatid na dahilan.

Show comments