5-anyos pinatay sa gulpi
BULACAN , Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 5-anyos na lalaki makaraang gulpihin ng kanyang mga magulang kamakalawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bunsuran 2nd sa bayan ng Pandi, Bulacan.
Pormal na kinasuhan ni P/Senior Insp.Isagani Enriquez, ang mga suspek na sina Analie Cabuhat, 37; at si Virgilio Marcelo, 40, tubong Victoria,Tarlac.
Samantala, hindi na naisugod sa ospital ang batang si Andrie Cabuhat na natagpuan ng mga awtoridad sa loob ng bahay ng mag-asawa sa nabanggit na barangay.
Napag-alamang humingi ng tulong sa pulisya ang dalawang kapitbahay nina Cabuhat at Marcelo kaugnay sa misteryosong pagkamatay ng bata.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang bata ay basag ang bao ng ulo, may palatandaan pinaso ng kandila at sigarilyo sa iba’t ibang bahagi ng katawan maging ang mga buto sa kamay at balikat ay nakausli na pinaniniwalaang nabale.
Sa resulta ng awtopsiya ng medico-legal officer, lumilitaw na inihampas sa matigas na bagay ang bata kaya nabasag ang bao ng ulo bukod pa sa palatandaan pinahirapan ang bata.
Nabatid din sa salaysay ng ilang kapitbahay, na minamaltrato ang bata ng kanyang ama-amahang si Marcelo sa tuwing ito ay darating sa bahay na lango sa alak.
Maging ang ina na si Cabuhat na sinasabing aburido sa buhay ay pinagbabalingan ang kanyang anak sa hindi nabatid na dahilan.
- Latest
- Trending