MANILA, Philippines - Isang Army corporal na sinasabing isa sa mga isinasangkot sa pagdukot at pamamaslang sa anak ng kumander ng mga rebeldeng New People’s Army ang pinagbabaril hanggang sa mapatay sa bisinidad ng Malabog Paquibato, Davao, kamakalawa.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang nasawi na si Cpl. Orly Pedregosa ng 10th Infantry Division ng Philippine Army sa Malabog Paquibato.
Samantala, sugatan naman ang dalawang sibilyang kasama ni Pedregosa na sina Jeffrey Labite at Joelito Atig.
Naganap ang pananambang habang ang mga biktima ay nasa harap ng kapilya ng Philippine Independent Church kung saan papasok na sa simbahan.
Gayon pa man, inako ng grupo ng Pulang Bagani ng New People’s Army na pinangunahan nina Jun “Bungot” Bustamante at Bryan “Ryan” Pitao na sila ang nasa likod ng pamamaslang para ipaghiganti ang napaslang na anak ng kanilang kumander. Ricky Tulipat