MANILA, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa serbisyo at makulong ang isang alagad ng batas makaraang ireklamo ng kanyang katulong na babae ng kasong panghahalay sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng San Fernando, La Union, ayon sa ulat kahapon.
Pormal na kinasuhan sa prosecutor’s office ang suspek na si PO3 Villamor Alew Laya ng La Union Police Mobile Group sa nabanggit na bayan.
Si PO3 Laya ay inakusahan ng kanilang katulong na babae na itinago sa pangalang Sandra, 18, matapos dumulog ang biktima sa himpilan ng pulisya noong Huwebes upang magsampa ng reklamo.
Base sa sinumpaang affidavit ni Sandra, naganap ang unang insidente noong Agosto 2009 sa Go-Inn Motel sa bayan ng San Fernando.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na dinala ang biktima sa motel bago isinagawa ang maitim na balak kung saan pinagbantaan pa ng suspek na manahimik na lamang.
Samantala, naganap naman ang ikalawang panghahalay noong Setyembre 2009 sa loob ng palikuran sa bahay ng suspek matapos siya nitong hilahin sa loob.
Maliban dito ay minolestiya rin ang biktima noong Oktubre 19 ng umaga sa loob ng kanyang kuwarto. Joy Cantos