Kidnaper binalikan
MANILA, Philippines - Pansamantala lang ang pagpapalaya sa dalawa sa pitong empleyado ng Department of Environment and Natural Resources dahil bumalik din sila sa balwarte ng mga kidnaper makaraang maihatid nila ang mensahe ng mga ito sa mga awtoridad.
Ito ang nilinaw kahapon ni Police Region Office 13 Director Chief Superintendent Lino Calingasan bilang reaksyon sa napaulat na pinalaya ng mga kidnapper na katutubong Lumad ang dalawa sa mga bihag na sina Emiliano Gatillo Jr. at Efren Sabuero bandang alas-5:00 ng hapon kamakalawa.
Ang mga ito ay pinakawalan sa pagitan ng hangganan ng Kolambugan, Sibagat at Barangay Tagkilong sa lungsod ng Butuan.
Sinabi ni Calingasan na ginawa lang courier ng mga kidnapper ang dalawa para maiparating ang demand ng mga ito sa mga awtoridad.
Makaraang maihatid ang mga demands, bumalik sina Gatillo at Sabuero sa pinagkakakutaan ng mga kindapper dahil nagbanta ang mga ito na papatayin ng mga ito ang limang naiwang bihag kapag hindi sila bumalik.
Kabilang sa hinihiling ng mga kidnapper kapalit ng kalayaan ng mga bihag ang selective implementation ng kampanya laban sa illegal logging at pagkakaloob ng saligang serbisyo at trabaho sa mga katutubo.
Ang pitong field personnel ng DENR ay dinukot noong Miyerkules ng umaga ng mga armadong kalalakihan habang nagsasagawa ng inspeksyon sa Barangay Anticala sa Butuan City.
- Latest
- Trending