MANILA, Philippines - Humihingi ng P2 milyong ransom ang mga bandidong Abu Sayyaf Group kapalit ng kalayaan ng principal ng pampublikong eskuwelahan sa elementarya sa Sulu.
Ayon kay P/Supt. Danilo Bacas, PNP-ARMM spokesman, sinabi nito na kasalukuyan nilang inaalam ang impormasyon hinggil sa sinasabing paghingi ng mga kidnaper ng P2 milyon sa pamilya ng bihag na si Gabriel Canizares.
Samantala, nanindigan naman si P/Chief Supt. Paisal Umpa, regional director na mahigpit nilang iniimplementa ang no ransom policy ng gobyerno.
Batay sa ulat ng Joint Task Force Comet ng AFP, si Canizares ay dinukot ng grupo nina Abu Sayyaf sub-commander Amlum Abdun at Juhurin Hussin sa ilalim ng liderato ni Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron na may patong sa ulong P10 milyon.
Gayon pa man, patuloy din ang koordinasyon ng Sulu Provincial Police Office at ng Joint Task Force Comet kaugnay ng isinasagawang search and rescue operation.
Sinasabing may malalim na layunin ang grupo ng Abu Sayyaf kaya dinukot si Canizares dahil tanging ito lamang ang binihag at iniwan ang ibang guro.
“Sa kinidnap na principal, we are trying to get informations. So, it’s not just simple abduction dahil dun sa nakitang circumstances na siya lang pinuntirya there are deeper,” pahayag ni Lt. Col. Romeo Brawner ng AFP public affair office.
Si Canizares, 39, ng Kanague Elementary School sa Patikul, Sulu ay dinu kot ng mga bandido habang lulan ng pampasaherong jeepney noong Oktubre 12.
Nabatid na tanging si Canizares lamang ang tinangay ng mga kidnaper sa grupo ng mga guro na sakay ng pampasaherong jeepney.