MONTALBAN, Rizal, Philippines — Seryoso ang pamahalaang panlalawigan ng Rizal na sugpuin ang iligal na pagmimina kung saan sinimulang puntiryahin ang mga negosyanteng nagmimina at nagbebenta ng natural mineral sa nabanggit na bayan.
Dahil sa mahigpit na kautusan ni Rizal Governor Jun Ynares III kay Engr. Roberto Estrada ng Provincial Mining Regulatory Board, naaresto at kinasuhan ang heavy equipment operator na si Julius Moldes na naaktuhang ng illegal mining sa bisinidad ng Don Mariano Ext. Road sa Barangay San Jose, Montalban, Rizal.
Kasama rin sa kinasuhan na sinasabing lumabag sa ilalim ng Section 103 ng Republic Act 7942 (Phil. Mining Act of 1995) ay ang sina Popoy Rodriguez, Bhona Agoncillo at Roy Sungcuan.
Ayon sa ulat, si Agoncillo ay sinasabing nakatakas habang si Sungcuan naman ay pinalaya matapos na ma-impound ang kanyang truck na minamaneho.
Samantala, inatasan na ni Governor Ynares ang hepe ng pulisya sa Montalban na si P/Supt. Ruel Vacaro na masusing imbestigahan ang dalawang pulis na pinaniniwalaang responsable sa pagtakas ni Agoncillo.
Gayon pa man, nangangamba ang mga negosyanteng may legal na pagmimina sa plano ni Gob. Ynares na magpalabas ng executive order na nagsususpinde sa lahat ng small-scale mining and quarry permits na inisyu ng probinsya.