7 kawani ng DENR kinidnap
MANILA, Philippines - Pitong kawani ng local na sangay ng Department of Environment and Natural Resources ang iniulat na dinukot ng mga armadong kalalakihan habang nagsasagawa ng checkpoint sa Barangay Anticala, Butuan City, Agusan del Norte kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga kinidnap ay sina Forester Gabriel Arlan, team leader ng grupo; Teofredo Pujadas, Emiliano Gatillo Jr., Rito Espenido, Rudy Clar, Efren Sabuero, at si Eduardo Abogata, pawang nakatalaga sa Task Force Watershed Miltisectoral Checkpoint sa nabanggit na barangay.
Ayon kay Lt.Col. Cristobal Zaragoza, commander ng Army’s 30th Infantry Battalion, bandang alauna ng madaling-araw nang tangayin ng mga biktima.
Napag-alamang nagtungo sa nabanggit na lugar ang mga biktima para palitan ang kanilang kasamahan sa itinayong checkpoint sa Barangay Anticala.
Sinasabing hindi humingi ng security escort sa pulisya ang mga biktima.
Samantala, tinangay din ng mga kidnaper ang service vehicle ng mga biktima na pinaniniwalaang dinala sa bulubunduking bahagi ng Barangay Padi-ay, Sibagat City, Agusan del Sur.
Gayon pa man, may lead na ang mga awtoridad sa grupong tumangay sa mga biktima subalit tumanggi munang tukuyin habang isinasagawan ang operasyon.
Kinondena naman ni DENR Sec. Lito Atineza ang naganap na insidente kasunod na iniutos na bumuo ng crisis management committee para matulungan ang mga kinidnap na kawani. Joy Cantos
- Latest
- Trending