ILOILO CITY , Philippines —Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng mababang korte laban sa isang babae na sinasabing nagbenta ng kakarampot na shabu kung saan naaresto ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency noong Pebrero 2008 sa Barangay Zamora sa Iloilo City.
Sa ilang pahinang desisyon ni Judge Evelyn Salao ng Iloilo City Regional Trial Court Branch 25, bukod sa hatol na life ay pinagbabayad ng P.5 milyon ang akusadong si Ma. Victoria Lopez-Arroyo sa paglabag sa anti-illegal drugs law.
Base sa rekord, si Arroyo ay dinakma ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at anti-narcotics agents sa isingawang buy-bust operation noong February 15 sa bilyaran na malapit sa kanyang tahanan sa nabanggit na barangay.
Bukod sa mark money na nasamsam kay Arroyo, narekober din ang dalawang plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 0.09 gramo kada isang sachet na nagkakahalaga ng P500.
Binalewala naman ng korte ang alibi ng akusado bagkus binigyang timbang ang mga ebidensya na isinumite ng PNP at PDEA.
“Indeed justice is really working the way it should be,” pahayag ni Paul Ledesma, regional director ng PDEA
Gayon pa man, iaapela ng abogado ni Arroyo na si Atty. Jun Eric Cabardo, ang desisyon ng mababang korte. Ronilo Ladrido Pamonag