BULACAN – Nagwakas ang modus operandi ng dalawang cybersex den makaraang maaresto ang anim-katao sa isinagawang magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad kamakalawa sa bayan ng Paombong at Hagonoy, Bulacan.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek na sina Roy Roque ng Brgy. San Jose, Paombong; Julius Geronimo ng Brgy. Sagrada Familia, Hogonoy; na tumatayong may-ari ng dalawang cybersex den; Girlie Sarmiento, Ruzzel Sarmiento, Kriezel Gutierrez, at si Rose Ann Romero.
Ayon kay P/Chief Insp. Julius Caesar Mana ng CIDT- Bulacan, ni-raid ang dalawang bahay na sinasabing cybersex den sa Barangay San Jose sa Paombong at sa Brgy. Sagrada Familia sa Hagonoy matapos magpalabas ng apat na search warrant sina Judge Oscar Herrera ng Malolos Regional Trial Court Branch 20 at Judge Alexander Tamayo ng Malolos Regional Trial Court Branch 15.
Nasamsam sa mga suspek ang ilang yunit ng computer, webcam, keyboard, video camera, broadband routers, battery pack, digital broadband at iba pang aparato na ginagamit sa cybersex communication. Boy Cruz