Pagguho ng sanitary landfill pinabulaanan

RIZAL , Philippines  – Nagbabala ang pamahalaang panlalawigan sa mga residente ng Montalban laban sa kumakalat na balita na nag­karoon ng pagsabog at pagguho sa 19-ektaryang provincial sanitary landfill sa Sitio Lukutang Munti sa Barangay San Isidro sa nabanggit na bayan. 

Pinabulaanan ni Rizal Governor Jun Ynares III ang pag­sabog at pagguho sa 19-ektaryang solid waste management facility dahil sa ulan at pagbaha na dala ng bagyong Ondoy.

 “Kasinungalingan at ibig lamang maghatid ng takot at kali­tuhan sa mga mamamayan ng bayan ng Montalban,” paliwanag ni Ynares

“Lubos akong umaasa na ititigil nila ang pamumulitika sa pana­hong ito na ang mga mamamayan ay lubhang nangangailangan ng tulong at hindi takot at pasakit,” pahayag ni Ynares.

Iniimbestigahan na ng tripartite investigating body na binubuo ng National Disaster Coordinating Council, Mines and Geosciences Bureau at ng Environmental Management Bureau.

Nauna na ng ipinahayag ng investigating body na ang sobrang tubig-ulan ang naging sanhi ng paggalaw ng lupa na naging dahilan ng pagguho ng bahagi ng pasilidad noong Hulyo 2009.

 “Ang maling balitang ito na nagdudulot ng takot sa mga mamamayan ay hindi dapat mangyari sa panahong ito ng kalamidad, bagkus dapat tayong magkaisa at magtulungan upang tulungan at mabigyan ng pag-asa ang libu-libong Rizaleños na napinsala at naapektuhan ng bagyong Ondoy,” pakiusap ni Ynares.

Show comments