MANILA, Philippines - Namahagi ang Star Group of Companies sa pakikipagtulungan ng P.J. Lhuillier Group of Companies ng 2,000 relief goods sa mga biktima ng tubig-baha sa Barangay Landayan, San Pedro, Laguna.
Matapang na sinuong ng Operation Damayan ng Star Group of Companies at P.J. Lhuillier Foundation, Inc., ang mataas na baha na dala ng dalawang bagyo na nagdaan kung saan aabot sa 2,000 bag ng mga relief goods ang ipinamahagi nito sa 1,000 pamilya.
Umupa rin ng bangka ang nasabing dalawang grupo para maihatid ang mga relief good sa mga lugar na bihirang maabot ng tulong kung saan tumambad din sa kanila ang mga inabandonang bahay.
Kabilang sa mga ipinamahagi ay 3 kilo ng bigas, tetra pack juice, tsinelas, 10 pirasong sardines, sabon, noodles at toothbrush.
Malaki naman ang pasasalamat ni Barangay Chairman Nestor Baldonza dahil naabot ang kanilang lugar ng Operation Dayaman at P.J. Lhuillier Foundation kung saan noong 1972 ang pinakahuli nilang naranasang pagbaha dulot naman ng bagyong Dading.
Samantala, hindi lang ito ang unang pagtutulungan ng Operation Damayan at P.J. Lhuillier Foundation dahil una na rin silang nag-abot ng tulong sa mga nasalanta ng landslide sa Ginsaugon, Leyte noong 2006. Grace Amargo Dela Cruz