CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Tinatayang aabot sa 31 residente ang na-ospital makaraang makalanghap ng nakakasulasok na kemikal kahapon ng umaga sa bayan ng Silang, Cavite.
Ayon kay P/Senior Supt. Alfred Corpuz, Cavite police director, isinugod sa Pagamutang Bayan ng Cavite ang 31-katao matapos makaramdam ng pagkahilo at pagkasuka nang makaamoy ng kemikal na sinasabing nagmula sa Cleanway Factory sa Barangay Maguyam bandang alas-5 ng umaga.
“Wala namang grabeng nasaktan na pawang minor treatment lang ang ibinigay sa mga pasyente na nakauwi rin agad matapos magamot,” dagdag pa ni Corpuz.
Gayon pa man, pinaiimbestigahan na rin ng pulisya at lokal na pamahalaan ng Silang kung saan nagmula at kung anong kemikal ang nagdulot ng napakasangsang na amoy na nakaapekto sa mga residente. Arnell Ozaeta at Cristina Timbang