Kinidnap na kawani ng MSU pinalaya na
MANILA, Philippines - Pinalaya na rin ang dinukot na kawani ng Mindanao State University noong Miyerkules ng umaga sa bisinidad ng Saguiran, Lanao del Sur.
Ang pagpapalaya kay Felix Gayan, 54, ng Marawi City ay matapos ang negosasyon ni ex-Mayor Casan Galman Capal sa grupo ng mga kidnaper na sinasabing walang ibinigay na halaga bilang ransom.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Paisal Umpa, regional director ng Autonomous Region ng Muslim Mindanao, si Gayan ay kinidnap noong Oktubre 10.
Ang mag-ina ni Gayan na sina Editha, 48; at Lester Ray, 17, ay naunang pinawalan ng mga kidnaper sa kahabaan ng highway sa Brgy. Poblacion, Saguiran, Lanao del Sur.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na napagkamalan ng mga kidnaper na ang kanilang target na City Engineer ng Marawi City ang kanilang dinukot.
Isinasailalim na sa debriefing sa himpilan ng Army’s 103rd Brigade sa Kampo Ranao, Marawi City ang pinalayang biktima. Joy Cantos
- Latest
- Trending