Shabu tiangge ni-raid: 47 arestado
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Aabot sa 47-katao na pinaniniwalaang tulak at adik ang dinakma makaraang salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Cavite police ang ilang kabahayan na ginawang shabu tiangge sa bayan ng Imus, Cavite kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Chief Inspector Chris Abrajano ng Region 4-A PDEA, kabilang sa mga suspek na naaresto ay sina Janice Lugao, Rochelle Santander, Ogie Alcaparaz, Dante Del Rosario at Jose Panis sa bisa na rin ng search warrant na ipinalabas ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court.
Samantala, naaresto rin habang nagpa-pot session sina Arthur Pascasio, Danilo de Guzman, Arthur Maniego, Richard Medina, Rodrigo Santos at Anthony Rojo.
Inimbitahan naman ang ilang sibilyan sa himpilan ng pulisya upang magpaliwa nag kung bakit sila nasa lugar na ’yon kahit hindi naman sila residente at sasailalim din sila sa drug test.
Batay sa mga reklamo ng mga residente, sinalakay ng mga awtoridad ang ilang kabahayan sa Barangay Halang sa bisa ng search warrant laban sa mga kalalakihan na sinasabing nagtutulak ng bawal na droga bandang alas-5:30 ng umaga.
Narekober ang 5 gramo ng shabu na pawang nakalagay sa mga plastic sachets kabilang na rin ang mga drug paraphernalia.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. Arnell Ozaeta at Cristina Timbang
- Latest
- Trending