ABRA, Philippines – Tatlong malalaking kampo ng mga rebeldeng New People’s Army ang nakubkob ng tropa ng militar sa liblib na kagubatang sakop ng bayan ng Lacub, Abra.
Kahit masama ang panahon na dulot ng bagyong Pepeng ay sinuyod ng tropa ng 41st Infantry Battalion ang mapunong gubat ng Mt. Bumalayak sa Barangay Buneg kung saan napaulat na nagsisilikas na ang mga rebelde mula sa pinagkukutaang kampo.
Apat na araw na lakbayin bago nadiskubre ang isa sa pinakamalaking kampo ng mga rebelde na inabandona kung saan natagpuan ang ilang kagamitan, generator, 2 sako ng personal belonging tulad ng damit at footwear, mga celpone, electrical equipments, DVD discs, medical at dental equipments, kitchen utensils, communist flags, propaganda materials at mga dokumento, ayon kay Lt. Edward Sia-ed
Nakubkob din ang dalawang abandonadong kampo ng NPA sa bisinidad ng Mt. Tumalpoc sa Barangay Talampac kung saan natagpuan ang dalawang malalakas na kalibre ng baril, iba’t ibang uri ng mga parte ng baril, generators, mga propaganda, DVDs reading materials, radio- telephone devices, computers, printers at mga libro.
Nakapaloob din sa kampo ang 24 na kubo na sinasabing training site kung saan ginagawa ring meeting place ng ilang left-leaning sectoral leader. Artemio Dumlao