LEGAZPI CITY , Philippines – Tatlong preso na sinasabing may mga kasong robbery at murder ang iniulat na nakapuga makaraang wasakin ang kanilang selda kamakalawa sa bayan ng Mobo, Masbate. Kanilala ang mga pugante na sina Johnny Vergara, Judy Besana, at Regan Abelindee na pawang nahaharap sa kasong robbery at murder. Sa ulat ni P/Inspector Joseph Lucila ng Program Development Division at Community Relations Service ng BJMP, pinaglaruan ng tatlong preso ang kandado ng bilangguan hanggang sa tuluyang masira. Habang nakatalikod ang desk officer na si Senior Jail Officer 1 Julius Sampaga sa paggawa ng journal report, ay biglang inagaw ng tatlong preso ang M16 Armalite rifle saka tinutukan ni Besana. Hindi na rin nakapalag ang kasamahang si JO3 Rowan Espejon sapagkat agad din siyang tinutukan ng baril. Nasa balag naman ng alanganing masibak sa tungkulin ang jail warden na si P/Senior Insp. Benhur Lupanggo kasama sina SJO1 Sampaga at JO3 Espejon dahil sa kapabayaan sa tungkulin. Ed Casulla