MANILA, Philippines - Napaaga ang kamatayan ng isang 17-anyos na estudyante na sumailalim sa hazing makaraang hindi nito makayanan ang matinding pahirap ng mga kasamahan sa sinalihang fraternity sa bisinidad ng Sitio Hinagdanan, Brgy. Comagascas sa bayan ng Cabadbaran, Agusan del Norte kamakalawa.
Si John Vincent Bernat ng Northern Mindanao State Institute of Science and Technology at residente ng Hinagdanan, Barangay Comagascas ay sumailalim sa initiation ng Alpha Kappa Rho Fraternity and Sorority noong Biyernes ng hapon (Oktubre 2).
Bagamat nalampasan ni Bernat ang initiation rite ay nagtamo naman ito ng malubhang sugat sa katawan.
Makalipas ang ilang araw ay hindi na nakayanan ng biktima ang pananakit ng katawan kung kaya’t isinugod ito sa MJ Santos Hospital sa Butuan City.
Nanatili pa ng ilang araw sa ospital subalit binawian din ng buhay ang biktima may dalawang araw na ang nakalilipas bunga ng impeksyon at hemorrhage.
Isinailalim naman sa kustodya ng pulisya si Glober Orcullo Deorico na sinasabing kasamahan ng biktima sa fraternity.
Samantala, pinatawag na rin ng pulisya ang iba pang miyembro ng fraternity na sina Ron Ryan Pilapil, Roger Makiling, Rex Corvera at si Lemuel Callano.