Sayyaf attack nasilat ng PNP
MANILA, Philippines - Nasilat ng pulisya ang planong pagsalakay ng mga bandidong Abu Sayyaf laban sa himpilan ng 3rd Marine Brigade sa Barangay Busbus, Jolo, Sulu kamakalawa ng gabi. Ayon kay AFP regional spokesman Major David Hontiveros, dakong alas-10:30 ng gabi nang tangkang salakayin ng mga bandido ang Camp Teodulo Bautista na kinaroroonan ng 3rd Marine Brigade at Joint Task Force Comet. Agad na hinarang ng pinagsanib ng mga tauhan ng 6th at 7th PNP Regional Mobile Group ang grupo ng mga bandido sa bisinidad ng Daang Putih na sinasabing pangunahing lansangan papasok sa kampo. Dito’y nagkaroon ng bakbakan kung saan nagpaputok pa ang mga bandido ng 60mm mortar na tumama sa dulo ng runway ng Jolo airport. Nagresponde naman ang tropa ng Philippine Marines hanggang maitaboy ang mga bandido. Joy Cantos
- Latest
- Trending