MANILA, Philippines - Hindi na sinikatan ng araw ang magpinsan makaraang malibing nang buhay sa landslide kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Poblacion, Mankayan, Benguet.
Kinilala ni P/Senior Insp. Fernando Botangen, ang mga biktimang sina Jolina Mae Capia-ao Astudillo, 5; at John Kennedy Capia-ao Fagsao, 5.
Napag-alamang natutulog ang dalawa sa sala ng kanilang bahay sa Upper Guiwe sa Tabio nang mag-landslide at matabunan ang kinaroroonan ng mga biktimang bandang alas-2:30 ng madaling-araw.
Samantala, aabot naman sa 25 sasakyan na sinasabing nakaparada sa kahabaan ng kalsada ng KM3 sa La Trinidad, Benguet ang natabunan nang gumuhong putik habang ilan pang mga kabahayan ang natabunan.
Umaabot naman sa 27 pamilya ang inilikas mula sa City Camp Lagoon sa Baguio City dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig-baha.
Pinayuhan din ng OCD ang mag motorista na doblehin ang pag-iingat sa pagtahak sa Quirino Highway, Kennon Road at Halsema Highway dahil sa mga landslides. Artemio Dumlao at Joy Cantos