RIZAL, Philippines — Kinilala ng Association of Government Accountants of the Philippines (AGAP) ang lalawigan ng Rizal bilang isa sa pinakamahuhusay sa bansa sa larangan ng pagtatala.
Sa liham na ipinaabot ni AGAP national president Evelyn Guerrero na ang kanilang pagkilala sa Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal sa mahusay, de-kalidad, eksakto at detalyado noong 2008 financial report.
Ang nasabing pagkilala ay ikalawang parangal na natanggap ng Rizal mula sa AGAP, kung saan ang una ay iginawad noong 2006.
Sinabi ni Guerrero na ang mga awardees ay pinili ayon sa pagiging eksakto, kumpleto, maagap, maasahan. Kabilang din sa kanilang naging basehan sa pagpili ng mga huwarang ahensiya ay ang mahigpit na pagtugon sa mga accounting rules and regulations sang-ayon sa mga alituntunin ng committee on awards.
Kinilala rin ang pamumuno ni Rizal Gov. Jun Ynares III at ang husay ni provincial accountant Cecila Almajose.
Dagdag pa ni Guerrero na ang Rizal Provincial Accounting Office ay mahigpit at epektibong ipinatupad ang mga nasabing accounting guidelines na hindi nakapagdulot ng anumang pagkaantala sa mga transaksyon ng pamahalaang panlalawigan.
Kinilala rin ni Guerrero ang sistematikong record system ng nasabing tanggapan. Katunayan pa anila, mayroong pinadaling pamamaraan ang provincial accounting office sa pagsasaliksik ng mga nakalipas nang mga transaksiyon ng pamahalaang lalawigan. Ito din anila ay isang mainam na sistema para sa madaling konsolidasyon ng impormasyon partikular ang paghahanda ng mga financial reports.
Ang iba pang lalawigang ginawaran ng pagkilala ngayong taon ay ang mga provincial accounting offices ng Pangasinan, Saranggani at Batangas kung saan ang awarding ng provincial level ay gaganapin sa Oktubre 12 sa L’Fisher Hotel sa Bacolod City.