CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Na-retrieve na kahapon ng madaling-araw ang mga bangkay ng anim na health worker na sinasabing natabunan ng gumuhong putik at bato sa loob ng health center noong Miyerkules ng tanghali sa bayan ng Taytay, Palawan.
Kabilang sa mga biktimang nahukay ay sina Nympha Poras, Josephine Henanda, Elmie Durian, Criselda Satungcacan, Marjorie Dacillo at ang 17-anyos na si Chemelyn Gamarcha na pawang mga residente ng Taytay, Palawan.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Aurelio Trampe, Palawan police director, lumilitaw na nagtatrabaho ang mga biktima sa loob ng municipal health center habang umuulan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay lumambot ang lupa sa kalapit bundok dahil sa walang humpay na pag-ulan hanggang sa gumuho ang isang palapag na gusali at matabunan ang mga biktima bandang alas-12 ng tanghali.
Mabilis namang nagsagawa ng rescue at retrieval operation ang mga tauhan ng Taytay Municipal Engineering Office, Taytay police, 413rd Police Mobile Group, Philippine National Red Cross (PNRC) at mga kawani ng munisipyo.
Ayon kay Karen Eugenio, community development organizer ng PNRC, nagawa pang makapag-text si Gamarcha sa kanyang katrabahong daycare worker ng - “andito pa kami sa loob, nasa ilalim ng mesa, 4 kami.”
Agad namang tinawagan nila Eugenio ang cell phone ni Gamarcha pero hindi na ito sinasagot hanggang sa maging out-of-service na.
Natagpuan ang mga biktima na pisak ang mga mukha at katawan dahil sa bigat na dumagan sa kanila.- “ Apparently nag cave-in na ang mga bato at lupa sa building kaya naipit silang lahat bago pa namin sila maisalba,” paliwanag ni Eugenio.
Napag-alamang noong Lunes ay may nalaglag na malaking tipak ng bato sa gilid ng health center mula sa bundok pero hindi ito pinansin ng mga health worker at hindi inasahang magkakaroon ng landslide. Arnell Ozaeta at Joy Cantos