Trak vs cab: Bishop, 10 pa todas
MANILA, Philippines - Karit ni kamatayan ang sumalubong sa 11-katao kabilang ang isang Bishop habang anim iba pa ang nasugatan makaraang magsalpukan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng highway ng Barangay Nabunturan, Compostela Valley kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Bishop Dencio Munar Yapit ng Universal Sovereign Church of Blessed Name of Jesus and Joseph, Ely Alberio, Salvacion Quistas, Meraluna Quistas, Carmelita Sadia, Sonia Pacronsis, Jestoni Gallego, Nelly Joy Castro, drayber ng trak na si Ronnie Magsibay at dalawang ‘di-pa kilalang sibilyan.
Ang mga pasahero ni Magsibay na sina Orlando Peñaranda, Eduardo Peñaranda, Jayson Peñaranda, Jaypee Martinez, Ronald Cortez, Jaime Talingting, at ang pasahero na si Leah Mae Munar na pawang nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Sa ulat ni Compostela Valley Police Director Chief Supt. Aaron Aquino, na nakarating sa Camp Crame, naganap ang trahedya dakong alas-5:30 ng umaga sa Purok 5, malapit sa hangganan ng Brgy. Magsaysay.
Nabatid na ang multicab (LEM 109) na minamaneho ni Bishop Yapit ay patungong Davao City habang ang kasalubong naman na truck (LEV 266) ni Ronnie Magsibay ay mula sa bayan ng Monkayo, Compostela Valley.
Sinasabing patungo sana sa pagtitipon ang grupo ni Bishop Yabet sa San Juan Village sa Bangkal, Davao City nang makasalubong si kamatayan habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending