MANILA, Philippines - Labimpitong sundalo ng Army’s 2nd Scout Ranger Company na sinasabing lulan ng military truck ang iniulat na nasugatan makaraang mahulog sa malalim na bangin sa Brgy Pandanon sa bayan ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental noong Martes ng madaling-araw.
Sa phone interview, sinabi ni Army’s 303rd Infantry Brigade (IB) Commander Col. Max Caro, naganap ang trahedya sa malapit sa hangganan ng kanugnog na bayan ng Murcia.
Napag-alamang madulas ang kalsada kaya nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa bumulusok sa may 20 talampakang bangin. Naisugod sa Corazon Locsin Montelibano at Riverside Hospital ang mga biktima maliban kay Pfc Eric Limpiado na kailangang operahan sa ulo. Joy Cantos