Mag-ina kinatay ng adik
CAMARINES NORTE, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ina makaraang pagsasaksakin ng ‘di-pa kilalang lalaki na sinasabing lango sa bawal na droga kahapon ng madaling-araw sa Purok 4, Barangay San Roque sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ng mga kamag-anak ang mag-inang sina Wilma Daniel, 31, tubong Iloilo at Clark Kien Daniel, 4.
Himala namang nakaligtas ang isang anak na lalaki ni Wilma na si Kyle Marc, 6, na nagtamo ng 29-saksak ng patalim sa katawan at ngayon ay ginagamot sa Camarines Norte Provincial Hospital kung saan magdaraos sana ng kanyang kaarawan kahapon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ni P/Senior Insp. Wilmor Halamani, naganap ang krimen bandang alas-2 ng madaling-araw matapos pasukin ang tahanan ng mag-ina.
Sinasabing nanlaban si Wima kaya nabigong isagawa ang maitim na balak ng suspek kung saan wala namang nakikitang anggulo ng pagnanakaw.
Humingi naman ng tulong sa pulisya ang tiyahin ng pamilya Daniel na mabantayan ang kanilang pamangkin sa nabanggit na ospital na nakaligtas sa karit ni kamatayan.
Pinaniniwalaang reresbakan ang bata matapos na makilala ang pangunahing suspek sa krimen.
Inaasahan naman uuwi ang ama na OFW ng mag-iina mula sa ibang bansa.
- Latest
- Trending