Mga volunteer ng relief operation hinaras
BATANGAS, Philippines — Matinding takot ang naranasan ng mga reporter at volunteer ng regional network ng ABS-CBN sa Batangas makaraang pagbantaan at gipitin ng mga senglot at lango sa bawal na drogang kalalakihan habang nagsasagawa ng relief operation sa bayan ng Laurel noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Edison Reyes, reporter ng ABS-CBN TV-10 Southern Tagalog, mamimigay sana sila ng relief goods sa Brgy. Bugaan East sa Laurel para sa 40-pamilya batay na rin sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay.
Subalit, nagulat ang grupo ni Reyes kabilang na ang mga student volunteers ng Lyceum of Batangas, University of Batangas at AMA Computer College nang madatnan ang 200 pamilya na nakapila sa evacuation center bandang alas-7 ng gabi.
“Nagulat kami kasi konti lang ang inaasahan namin, tapos nagkagulo na kaya napilitan na rin kaming magbigay kahit wala sa listahan,” ani Reyes.
Ipinahinto na ni ABS-CBN Batangas station manager Woodrow Francia ang pamimigay ng mga relief goods matapos mapansing may mga kalalakihang umuulit sa pila na nagbunsod para magkagulo sa distribution process.
Nang papaalis na ang convoy patungo sana sa iba pang barangay, sinundan pa sila ng tatlong senglot na sakay ng motorsiklo at patuloy na nanghihingi ng relief goods.
At noong hindi sila nabigyan, sinigawan sila ng - “huwag na kayo babalik dito at pagbabarilin namin kayo,” kuwento ni Reyes
“Sobrang takot ng mga volunteers, kaya ‘yung iba nag-iiyakan na, tapos parang ayaw na sumamang mag-volunteer sa relief operation,” dagdag pa ni Reyes.
Nakapag-text ang grupo kay Tina Ganzon, assistant producer ng TV Patrol-Southern Tagalog, na siya namang humingi ng police assistance sa pulisya.
Dahil sa pangyayari, iniwan nalang ng mga volunteers ng ABS-CBN ang mga relief goods sa munisipyo ng Laurel. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending