ITOGON, Benguet, Philippines — Napaaga ang salubong ni kamatayan sa labindalawang sibilyan kabilang na ang tatlong bata makaraang matabunan ng gumuhong putik sa magkahiwalay na trahedyang naganap sa pananalasa ng bagyong Pepeng sa Benguet kamakalawa at kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa na-retrieved na mga bangkay mula sa mudslide sa Sitio Manganese sa Barangay Ampucao, Itogon, Benguet kahapon ng madaling-araw ay ang mga minerong sina Ernesto Gabayni ng Mankayan; Alex Cadasa Rufino, 21, ng Apayao; ang dalawa na bineberipika pa ang pagkikilanlan habang ang tatlong bata naman ay nakilalang sina: Jeric Cadasa, 10; Jonie Cadasa, 8 at si Lanoy Cadasa, 12.
Sa ulat ng hepe ng Cordillera police regional operations na si P/Senior Supt. Ramil Saculles, lumilitaw na natutulog ang pitong biktima sa pansamantalang quarters nang gumuho ang putik mula sa kabundukang bahagi ng minahan.
Napag-alamang bago nanalasa ang bagyong Pepeng, binalaan na ni Benguet Governor Nestor Fongwan ang mga minero na lumayo sa inabandonang minahan sa ilang bahagi ng Benguet para maiwasan ang trahedya na naunang naganap kung saan kumitil ng maraming buhay.
Samantala, natabunan nang buhay ang limang miyembro ng pamilya ng minero habang natutulog sa bahay ni Ernesto Gabay noong Sabado ng gabi matapos mag-landslide sa Sitio Busi, Barangay Beckel sa bayan ng La Trinidad, Benguet.
Pawang mga nasawi sina Catalina Tabora, Laruan Tabora, Zenia Tabora-Galvey, Rustom Galvey at si Baby Daphne na narekober ng mga rescue team may ilang oras matapos ang mudslide.
Kasunod nito, hima lang na-rescue nang buhay si Aldrin Gabor sa Barangay Bakakeng sa Baguio City. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat