BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Bagama’t hindi alam kung gaano kalakas at kung ano ang perwisyo na maaring haharapin ay pinag-hahandaan na ng regional disaster coordinating council ng Cagayan Valley ang pagdating ng tinaguriang super typhoon Pepeng na inaasahang tatama sa kalupaan partikular na sa Isabela ngayong araw.
Ito ay matapos na ipag-utos ni Cagayan Valley Police regional director Chief Superintendent Roberto Damian, chairman ng RDCC, ang maagang paglikas ng mga residente sa mas mataas na lugar upang maiwasan ang anumang sakuna sa hindi pa malamang delubyo na hatid ni Pepeng.
Nauna rito ay binisita ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang lambak ng Cagayan kamakalawa upang pulungin ang mga pinuno ng RDCC, PDCC at iba pang ahensiya ng gobyerno na maging handa upang maiwasan ang trahedyang sinapit ng mga biktima ni bagyong Ondoy na sumalanta at kumitil ng maraming buhay.
Sa kasalukuyan ay puspusan ang paghahanda sa ibat-ibang lugar sa rehiyon tulad ng mga mga eskwelahan, community Center at iba pang ligtas na lugar upang gawing pansamantalang evacuation center sa mga residente na maagang lilikas sa kanilang mga tahanan. (Victor Martin)