4 mag-aaral nilamon ng ilog
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Maagang kinarit ni kamatayan ang apat na mag-aaral sa elementarya makaraang malunod sa ilog sa bayan ng Trece Martirez, Cavite noong Martes ng hapon.
Sa naantalang ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Vicente Lim, kabilang sa mga nalunod ay sina Kimberly Jan Moje, 13, grade 6; Princess Dianne Jusay, 11, grade 6; Marceline Georgette Obana, 12, grade 6 at si John Marcel Obana, 10, grade 1, pawang nakatira sa Barangay Inocencio at mga estudyante ng Barangay Inocencia Elementary School.
Ayon sa principal ng eskwelahan na si Gregoria Atas, hindi na nakabalik sa klase ang apat na bata ma tapos lumabas ng kanilang paaralan para mag-lunch break.
Napag-alamang nagkayayaan ang magkakaeskwela para maligo sa Pasong Duwag River na malapit sa kanilang eskwelahan nang tangayin ng malakas na agos ng tubig sa ilog bandang ala-una ng hapon.
Ayon kay P/Supt. Reynaldo Galang, hepe ng Trece Martirez PNP, bandang alas-3:30 ng hapon nang makatanggap ng tawag sa telepono ang Trece Martirez police station mula sa isang concerned citizen matapos matagpuan ang mga bangkay ng apat na mag-aaral na palutang-lutang sa gilid ng nasabing ilog.
Itinakbo pa sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang mga bata pero idineklarang patay ni Dr. Gerde Summerian.
“Katatapos lang ng bagyong Ondoy noong kaya mataas pa ang tubig sa ilog kaya sila tinangay,” pahayag ni PO3 Benjamin Villanueva, chief investigator ng Trece Martirez PNP.
- Latest
- Trending