BULACAN , Philippines – Muli na namang nagpalabas ng tubig ang Angat Dam para panatilihin ang kaukulang level ng tubig at preparasyon sa napipintong pagdating ng dalawang pang bagyo sa darating na mga araw.
Bandang alas-10 ng umaga kahapon ay sinimulang magpakawala ng may 500 cubic meters ng tubig na tatagal hanggang Huwebes upang mabawasan ang tubig na nakaimbak sa nabanggit na dam.
Kabilang sa mga bayang dadaluyan ng tubig ay ang Norzagaray, Angat, Bustos, Baliwag, Plaridel, Pulilan, at ang bayan ng Hagonoy.
Inaasahang tatagal pa ng dalawa at kalahating oras ang daloy ng tubig mula sa Angat Dam bago pumasok sa 7-bayan na dadaanan nito hanggang makarating sa Manila Bay.
Sa kasalukuyan ay nasa 214.563 na ang antas ng tubig sa Angat Dam at kinakailangang maibaba ito sa 212 metrong antas sakaling muling dumaloy ang tubig na sanhi ng dalawang bagyo na papasok sa bansa.
Dahil sa pagbabawas ay agad na inabisuhan ng Provincial Disaster Coordinating Office na si Perlita Mendoza ang lahat ng maapektuhang bayan na maging alerto sa gagawing pagbabawas ng tubig subalit wala namang dapat ipangamba ang mga residente dahil sa kailugan naman ito dadaloy at normal lamang ang magiging agos ng tubig. Boy Cruz at Dino Balabo