BULACAN, Philippines – Ibinunyag kahapon ni Director Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology na ang west valley fault o lamat na isang aktibong fault ay tumatagos sa Angat Dam reservoir na may 350 hanggang 400 metro sa east ng main dike.
Sa pagdinig ng Sangguniang Panglalawigan ng Bulacan na ang pinuno ay si Bulacan Vice Governor Wilhemino Sy Alvarado kung saan sinabi ni Solidum na ang posibleng pinakamalalang mangyayari ay sakaling lumindol ng magnitude 7.2 na maaaring makaapekto sa Angat Dam.
Kaya naman nanawagan sina Solidum at Alvarado sa pamahalaan na magsagawa ng agarang pag-aaral sa epekto ng lindol sa katatagan ng Angat Dam.
Nauna rito, nanawagan si Alvarado kay Pangulong Arroyo at sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na siyasatin ang katatagan ng dam kaugnay ng mga pahiwatig na ulat mula sa MWSS na ito ay hindi na gaanong matatag at kasama pa sa Marikina fault line area.
Nanawagan din ang bise gobernador sa lahat na ihinto na ang mga debate hinggil dito at magkaisa sa pagharap sa pro blema matapos kumpirmahin ng PHILVOCS na tumagos dito ang west valley fault o lamat.
Nagpahayag ng pangamba si Alvarado sa sunud-sunod na lindol kamakailan na yumanig sa Mindoro at ilang panig ng Metro Manila na maaring makaapekto sa Angat Dam.
Samantala, ikinabahala din ni Alvarado ang mga ulat na pagsasapribado ng Angat Dam na pinagkukunan ng 96 porsiyentong suplay ng tubig sa Metro Manila dahil tiyak na maaapektuhan ang mga magsasaka na umaasa ng tubig sa kanilang pagsasaka. Boy Cruz