MANILA, Philippines - Nasilat ng tropa ng Philippine Marines ang pag-atake ng mga bandidong Abu Sayyaf sa detachment ng militar sa Barangay Bato-Bato, Indanan, Sulu kamakalawa ng gabi.
Ayon kay regional Army spokesman na si Major David Hontiveros, bandang alas-7:50 ng gabi nang lumusob sa detachment ng Philippine Marines ang grupo ng mga bandido.
Taliwas sa inaasahan ng mga kalaban ay nakapaghanda ang mga sundalo laban sa umaatakeng mga armadong bandido.
Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa panig ng tropa ng Phil. Marine kung saan naitaboy ang mga bandido.
Patuloy naman ang opensiba ng tropang gobyerno laban sa grupo ng mga wanted na lider ng Abu Sayyaf na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa Western Mindanao. Joy Cantos