20 bayan sa Bulacan lumubog
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Umaabot sa 20 bayan at 33 barangay sa Bulacan ang lumubog makaraang magpakawala ng tubig sa Angat Dam sa bayan ng Norzagaray dahil nasa critical level na kahapon.
Kabilang sa mga bayang naapektuhan ay ang Meycauayan City, Marilao, Bocaue, Sta. Maria, San Jose del Monte City, Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Pulilan, Baliwag, Bustos, Angat, Calumpit, Malolos City at mga bayan na nasa coastal area.
Sa panayan kay Engr. Russel Rigor ng Flood Forecast and Warning System of the National Power Corp., kinakailangang magbawas ng nakadepositong tubig kada 30-minuto upang ganap na makontrol ang level ng tubig matapos malampasan ang spilling level na 210 meters noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Rigor, umabot na sa 211.75 metro ang antas na tubig sa nabanggit na dam bandang alauna ng hapon kahapon kung saan mapipilitang magbawas bunsod ng patuloy na pag-ulan na nararanasan sa buong Central Luzon dahil sa bagyong Ondoy.
Gayunpaman, sinabi niya na maaaring humigit pa sa 500 cms ang kanilang itatapong tubig depende sa sitwasyon.
Ang pag-apaw ng tubig sa dam ay sanhi ng 688 milimetro ng tubig ulan na hatid ng bagyong Ondoy mula alas-8 ng umaga noong Biyernes.
Ayon naman kay Perlita Mendoza, chairman ng Provincial Disaster and Management Office, ay nagpakalat na sila ng mga tauhan kasama ang mga kagawad ng Municipal Disaster Council ng iba’t ibang bayan at maging ang mga volunteer na divers upang agad na matulungan ang mga residenteng inabot na ng tubig-baha ang kani-kanilang mga bahay.
Sa kasalukuyan ay wala pang napapaulat na nasawi o nasaktan sa patuloy na pagtaas ng tubig-baha sa Bulacan subalit tinatayang aabot ng milyong halaga ng ari-arian at pananim ang naapektuhan ni “Ondoy”.
- Latest
- Trending