10 NPA patay sa engkuwentro

MANILA, Philippines - Patay ang sampung miyembro ng New Peo­ple’s Army matapos na maka­sagupa ang mga sundalo sa magkakahiwalay na insidente kahapon ng uma­ga sa Bicol Region.

Sa ulat ng Special Ope­rations Command (SO­COM), dakong alas-6 ng umaga naganap ang unang engkuwentro sa pagitan ng 7th Scout Ranger Company, 3rd Scout Ranger Battalion at pitong rebelde na kasapi ng Front Committee 78 na pinamumunuan ni Jerry Apache alyas Ka Josam/Maeng sa Sitio Bonga, Brgy. Pawa, Manito, Albay, kung saan nagkaroon ng 10-minutong bakbakan ang mga ito at ikinasawi ng isang rebeldeng kinilala lang sa pangalang Ka Papay.

Dakong alas-7:30 ng umaga naman ng maka­sagupa ng mga naturang sundalo ang 20 NPA sa liblib na bahagi ng Brgy. Lipason at Brgy. Mabanate sa Pilar, Sorsogon, dito ay siyam ang nalagas sa grupo ng huli at nasamsam ang 8 malalakas na kalibre ng baril.

Ang pagkakapatay sa mga rebelde ay bunsod na rin ng kasunduan sa pagi­tan ng Army’s 9th Infantry Division at Philippine National Police na palakasin ang opensiba sa Bicol Region laban sa NPA.

Target din ng mga oto­ridad na malipol ang mga NPA dito hanggang 2010 kung saan ito din ang pag­tatapos ng termino ni pa­ngulong Gloria Macapagal Arroyo. (Joy Cantos/Ed Casulla)

Show comments