Sekyu sa minahan itinumba

NUEVA VIZCAYA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga ‘di-pa kilalang lalaki ang isang security guard na sinasabing kumuha ng video footage sa mga nagtatayo ng bahay sa gilid ng minahan sa Barangay Didipio sa bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya noong Linggo ng umaga. Sa police report na nakarating sa Camp Saturnino Dumlao, papauwi na ang biktimang si Robert Chua, 48, ng Rimando St; Aurora Hill , Baguio City nang harangin at ratratin. Si Chua na nakatalaga sa Oceana Gold Phils. ay sinasabing napag-initan ng mga kalalakihang nakatira sa mga kubo na kanyang kinunan ng video footage may 20 metro ang layo sa minahan. Nakaligtas naman ang kasamahan ni Chua na si Jerry Pallay. May teorya naman si P/Senior Supt Pedro Danguilan, na may kinalaman ang video footage na ginawa ng biktima kung saan bumuo ng task force para tugisin ang mga suspek. Victor Martin

Show comments