P1 milyon napulot isinauli ng estudyante

NUEVA VIZCAYA, Philippines – Sa kabila ng mahirap na kata­yuan sa buhay ay nanaig pa rin ang pagiging katapa­tan at mabuting asal ng isang 19-anyos na estud­yante matapos niyang isa­uli sa may-ari ang napulot na P1 milyon sa Cauayan City, Isabela.

Umani ngayon ng pa­puri at biyaya sa ipinama­las na kabutihang loob ang huwarang mag-aaral na si Richard Bactad ng Burgos, Isabela at kasalukuyang nag-aaral sa Isabela State University sa Cauayan City.

Napag-alaman na noong Agosto 27 habang nag-aabang ng masasakyan pa­pauwi si Bactad nang ma­pansin niya ang brown envelope sa kinatatayuang waiting shed sa bisinidad ng Cauayan City.

 “Tinanong ko sa isang babae kung sa kanya ang envelop subalit sinabing hindi sa kanya ito kaya minabuti kong iuwi, nang buksan ko ang envelop ay ay naglalaman ng mga tseke na may kabuuang P1 milyon,” pahayag ni Bac­tad.

Kinabukasan ay agad na dinala ni Bactad ang pay-to-cash na mga tseke kay Arvin Alivia, manager ng Hot FM sa Cauayan City na agad namang tu­mu­long sa kanya upang ibalik ang nasabing halaga sa PSBank.

Mabilis na kumalat sa nabanggit na lungsod ang ginawang asal ni Bactad kaya namang umani ng papuri at biyaya ang ibini­bigay sa kanya kabilang na ang full scholarship na ipinagkaloob ng kanyang pinapasukang unibersidad.

 “It is unusual for a person to turn-over such a huge amount of money. He never thought of keeping it despite being hard-up,” pahayag Dr. Wayne Saba­do, Dean ng unibersidad na isa sa sumasaludo kay Bactad kabilang na ang buong ISU campus.

Agad naman na nagbi­gay ng cash gift si Isabela Gov. Grace Padaca kay Bactad kabilang na ang pagbibigay ng Bravo Isa­belino Award para sa kabu­tihang asal na ipinakita ng na­sabing bayani ng mga ka­bataan.

Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan din na inihahanda ng Isa­bela Provincial Board sa pangu­nguna ni Vice Gov. Ra­mon Reyes ang resolution na kikilala sa magan­dang ha­limbawa na ipina­kita ni Bactad. Victor Martin

Show comments