CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa mag-iina matapos makulong sa nasusunog na bahay sa bayan ng Sariaya, Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Danilo Morzo, hepe ng Sariaya PNP, ang mga biktima na sina Teofila Gabiola, 80, biyuda; Antonio Gabiola, 59; at si Asuncion Gabiola, 54, pawang nakatira sa Barangay Mamala 1.
Ayon sa police report, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang mapansin ng mga kapitbahay na may lumalabas na makapal na usok sa bungalow-type na bahay ng pamilya Gabiola.
Dahil doon, mabilis naman na naipaabot sa barangay chairman kung saan kaagad na tumawag ng bumbero kung saan dumating naman ang mga tauhan ng pamatay-sunog na tupok na ng apoy ang bahay ng mga biktima.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, posibleng nagmula ang apoy sa natumbang lampara na gamit ng mga biktima.
“Gumagamit ng lampara ang mga biktima kasi para daw makatipid sa kuryente,” pahayag ni Morzo.
Si Antonio ay biktima ng polio at si Asuncion naman ay may sakit sa pag-iisip kasama na ang kanilang ina na si Teofila.
Umaabot sa P150,000 halaga ng ari-arian ang naabo. Arnell Ozaeta