MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang kawani ng Philippine Long Distance Telephone Company makarang ginilitan at pagtatagain ng kaniyang kainuman ng alak dahil sa pagtatalo sa P10 sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa Amang Rodriguez Medical Center subalit idineklarang patay si Cezar “Jun” Lofango Jr., 35, ng Unit-2 Pagrai, Barangay Mayamot sa nabanggit na lungsod.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Joseph Ortiz, 30, na nagtamo ng sugat sa ulo at noo matapos na magdepensa ang biktima sa pagdaluhong ng kaniyang kainuman na may tangang matalim na itak.
Base sa inisyal na ulat ni SPO1 Victorino Madamba, naganap ang krimen bandang alas-7 ng gabi sa lugar ng dalawa kung saan magkasamang nag-iinuman ng alak.
Sinasabing nagtalo ang dalawa sa halagang P10 isinukli ng tindera sa biniling alak kung saan kapwa lango sa alak nang magduwelo sa pamamagitan ng itak at patalim. Joy Cantos