Shabu laboratory sa Bulacan sinalakay; 4 na Chinese national nasakote

MEYCAUAYAN CITY, Bulacan, Philippines – Apat na Chinese national ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bulacan Provincial Office makaraang lusubin ang dalawang bahay sa Barangay Pantok sa lugar na ito at isa sa Barangay Lambakin sa bayan ng Marilao na pinaniniwalaang paga­waan at bodega ng sha­bu.

Kinilala ng mga aw­toridad ang mga sus­pek na sina James Chua a.k.a. Guan Chai Chai, 36; Michael Uy a.k.a. dagul/taba, 32; mga chemist ng shabu; Ang Hong Chieng, 60, maintainer ng shabu lab. Inaresto din ang may-ari ng bahay na si Mario Chua.

Dakong alas-6:00 ng umaga nang sala­kayin ng mga awtori­dad ang bahay sa no.134 Centro St., Pan­tok na gawaan ng shabu. Isa pang ba­hay may ilang metro ang layo ang natagpuan na­mang may mga ke­mikal na sangkap sa shabu habang sa Lam­bakin na­man ay inila­lagay ang mga finish product at ginagawang bodega upang hindi mahalata ng mga aw­toridad.

Narekober sa tat­long pagsalakay ang mga kemikal na Eta­nol, Die­thil Ether, Acetone, Hy­drocloric Acid, Phospo­rous Red, mga sapal ng pinag­gawaan ng shabu, at mga aparatus. (Boy Cruz, Ricky Tulipat at Joy Cantos)

Show comments