MANILA, Philippines - Apat na pinaghihinalaang miyembro ng kidnap-for-ransom gang ang napatay sa magkakahiwalay na engkuwentro sa mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response, Joint Special Operations Group ng Armed Forces of the Philippines at iba pang unit ng pulisya na nagresulta sa pagkakasagip sa isang negosyanteng Filipino Chinese sa lalawigan ng Rizal kahapon ng madaling araw.
Dalawa sa mga suspek ay napatay sa pakikipagbarilan sa mga ope ratiba ng PACER at Rizal Police bandang alas-3:35 ng madaling araw sa Taytay at ang dalawa pa ay sa isang subdivision naman sa Cainta na pawang nasa Rizal. Isa namang kasamahan ng mga ito ang nakatakas.
Kinilala naman ang nailigtas na negosyante na si Orson Tan, 30-anyos at residente ng Fairview, Quezon City. Si Tan ay kinidnap ng grupo sa Novaliches, Quezon City noong Setyembre 17.
Si Tan ay kasalukuyang nasa tanggapan ng PACER sa Camp Crame at isinasailalim sa masusing debriefing kaugnay ng hot pursuit operation sa iba pang mga kasamahan ng mga suspek.
Inihayag ni Nerez na natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspek matapos na isumbong ng mga concerned citizen ang Toyota Innova XCS -702 ng negosyante na naka-flash alarm na sa mga pulis na bumagtas sa kahabaan ng Peace St., San Andres, Cainta.
Matapos na makumpirmang ito ang behikulo ni Tan ay agad itong sinundan ng mga awtoridad kung saan nang mapansin ng mga kidnappers na sinusundan sila ng mga operatiba ay pinahagibis ang sasakyan na humantong sa palitan ng putok matapos na makorner ang mga suspek.