MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng pulisya ang mahigpit na seguridad sa gymnasium ng Baguio City para sa pagsasanay ni Manny “Pacman” Pacquiao kaugnay ng napipinto nitong laban kay Puerto Rican boxer Miguel Cotto sa Nobyembre 14 sa Las Vegas, Nevada, Esta dos Unidos.
Sa report ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, ngayon pa lamang ay naghigpit na ng seguridad sa gym ng Teachers Camp na napiling pagsanayan ni Pacman para sa kanilang boxing bout ni Cotto.
Ito’y upang walang maging sagabal sa pagsasanay ni Pacman sa nasabing gymnasium kung saan inaasahang dadagsain ng mga fans at supporters ng boxing champion.
Samantala, agad namang pasisimulan ni Pacman ang pagsasanay sa pagdating nito sa bansa kasama ang trainer na si Freddie Roach mula sa boxing tour nila ni Cotto sa Estados Unidos.
Kaugnay nito, umapela naman si Baguio City Mayor Reynaldo Bautista Jr. sa mga fans at supporters ng boxing icon na makipagkoordinasyong mabuti sa mga kinauukulan upang hindi maabala si Pacman sa kaniyang pagsasanay.
Si Cotto, tubong Puerto Rico ay kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) welterweight champion ay seryoso na ring nagsasanay para sa paghaharap nila ni Pacquiao sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada sa Nobyembre 14.
Nabatid na pinag-aralan na rin ni Pacman ang istilo ni Cotto sa boxing at tiniyak na 100 % siyang handa sa kanilang boxing match sa gitna na rin ng mga pahayag ng kaniyang mga taga-suporta na hindi nito siniseryoso ang pagsasanay. Joy Cantos