MANILA, Philippines - Dalawang sibilyan ang kumpirmadong nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis ng mga armadong grupo ng kalalakihan sa peryahan noong Miyerkules ng gabi sa Brgy. Tubig Puti, sa bayan ng Luuk, Sulu.
Kasalukuyan pang inaalam ang mga pangalan ng dalawang nasawi habang naisugod naman sa Integrated Provincial Hospital sa Jolo, Sulu ang mga nasugatan.
Ayon sa spokesman ng AFP-Western Mindanao na si Major David Hontiveros, naganap ang insidente dakong alas-11:40 ng gabi kung saan nagkakasiyahan ang mga tao sa peryahan.
Nayanig ang lupa sa pagsabog ng granada kung saan nagpanakbuhan ang mga tao habang nakabulagta naman ang dalawa na duguan.
Noong Lunes ay hinagisan din ng pampasabog ng mga bandido ang US troops habang nagbababa ng supplies sa pier ng Jolo, Sulu.
Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong may kinalaman ang mga bandidong Abu Sayyaf sa naganap na pagpapasabog.