6 OFWs pinarangalan sa Cagayan Valley
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Anim na mga tinaguriang bagong bayani ng bansa (overseas Filipino workers) ang pinarangalan bilang huwarang manggagawa sa katatapos na regional search na pinangunahan ng Overseas Workers Welfare Administration’s (OWWA) na nakabase sa Cagayan Valley.
Ayon kay Robert Bassig, regional director ng OWWA Cagayan Valley, kabilang sa mga pinarangalan ay sina Antonina Aguinaldo-Eder ng Cauayan City, Isabela; Conrado Vallejos ng Bayombong, Nueva Vizcaya; Maria Aggabao-Fernandez ng Cabagan, Isabela; at si Jocelyn Danao ng Peñablanca, Cagayan.
Pinarangalan din para sa Sea-based category sina Captain Ramon Gapusan ng Echague, Isabela na nagwagi bilang huwarang marino at Henry Pagaddu ng Peñablanca, Cagayan na nakakuha naman sa ikalawang puwesto.
Si Antonina Eder ang itinanghal bilang best OFW ng rehiyon matapos ang 33-taong paninilbihan bilang domestic helper upang maita guyod mag-isa ang kanyang mga anak na naulila na sa ama.
Iginiit din ni Bassig na ang pagkilala sa kadakilaan ng mga OFW na nagsasakripisyong magtrabaho sa ibang bansa ay maliit lamang na paraan at suporta sa mga bagong bayani ng bansa kumpara sa kanilang mga kontribusyon na ibinibigay sa bansa lalo na sa ekonomiya. Victor Martin
- Latest
- Trending