LUCENA CITY, Quezon, Philippines – Nakatanggap ng maagang Pamasko ang 84-preso sa Quezon Provincial Jail makaraang palayain ni Supreme Court Justice Reynato Puno batay sa programang Justice on Wheels.
Ang mga preso na nahaharap sa ibat-ibang kaso at pawang mga over-staying na sa kulungan ay isinailalim sa nasabing programa na ang layunin ay mapagkalooban ng mabilis na hustisya ang mga mahihirap na preso bukod pa sa ma-decongest ang mga piitan sa ibat-ibang panig ng bansa.
Mismong si Supreme Court Justice Puno ang nag-abot ng release paper sa mga preso sa programang isinagawa sa Quezon Convention Center kamakalawa na sinaksihan ni Quezon Governor Raffy P. Nantes at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan ay umaabot sa1,000 preso ang nakapiit sa nabanggit na kulungan habang ang kapasidad lamang nito ay 600.
Halos karamihan sa mga nakapiit ay pawang mahihirap at minsanan lamang sumailalim sa paglilitis.
Dahil sa paglulunsad ng nabanggit na programa ng Supreme Court sa Quezon, nag-paabot ng pasasalamat ang mga kaanak ng mga nabiyayaang preso.
Sinabi ni Supreme Court Justice Puno na nakapaloob din sa programa ang pagkakaloob ng tulong medical, dental at legal aid sa mga piitan.
Bukod dito, ay nagsagawa ng Information Education Campaign ang Philippine Judicial Academy sa 1,000 opisyal ng barangay sa Quezon.